Sa may Pasay, may binuksang bagong atraksiyon, Ang STARtista Gallery. Para itong Madame Tussauds. Isang lokal na proyektong naglalayong magbigay-pugay sa ilang mga nasa Philippine entertainment sa pamamagitan ng life-size na figure (wax figure man o gawa sa ibang materyales).
Pamilyar ang marami sa Madame Tussauds. Iyon ang sukatan ng buong mundo pagdating sa tinatawag nilang “wax figures”—mga estatwang gawa sa kandila o wax na hinubog nang halos kahawig na kahawig ng totoong tao. At hindi naman ito kalayuan sa Pilipinas; sapagkat bukod sa London ay may mga sangay ito sa Asia—sa Hong Kong (ang unang nagbukas sa rehiyon noong 2000, nasa The Peak), Singapore (sa Sentosa), pati na sa Bangkok, Shanghai, Tokyo, at Wuhan. Marami ng Pilipino ang nakapunta’t nakapagpa-litrato na animo’y “kasama” nila ang isang celebrity sa mga lugar na ito.
At hindi na rin bago sa mga Pilipino ang ganitong parangal. Ilang lokal na bituin na ang nasa Madame Tussauds: si Pia Wurtzbach, ang kauna-unahang Pilipinong nagkaroon ng wax figure noong 2019; sinundan ng kampeon na si Manny Pacquiao; ang beauty queen na si Catriona Gray; ang Multimedia Star na si Anne Curtis; ang Broadway icon na si Lea Salonga. Kaya pamilyar na sa publiko kung ano ang itsura ng isang world-class na wax figure.
Kaya nang lumitaw ang STARtista, agad itong inihambing ng publiko sa Madame Tussauds, kahit ang totoo’y magkaiba ang antas ng budget, teknolohiya, at resources ng dalawa.
At heto na nga ang EKSENA…
Matapos mag-viral ang mga larawan ng STARtista Gallery, nag post na ang mga netizens ng simpleng tanong na
“Siya ba ’yan?”
Bago pa man makarating ang iba sa mismong gallery, nakarating na muna sila sa comment section. At alam naman natin ang mga Pinoy.
Kapag may nakita tayong medyo “off,” hindi lang opinyon ang lumalabas... may libreng comedy special pa.
May nagsabing, “Mas kamukha pa ng kapitbahay namin.”
May isa namang nag-comment, “Buti na lang may nameplate, kung hindi baka hulaan portion ito.”
May nagbiro pa, “Admin, pakilagyan nga ng clue.”
May nagsabi rin: “Baka floor wax!”
Grabe rin talaga ang social media. Isang larawan lang, tapos na ang deliberation. Parang lahat ay judge sa art competition.
Pero teka. Hindi ba’t noong unang inanunsyo ang gallery, marami rin ang natuwa?
Matagal na ring pangarap ng ilan na magkaroon ang Pilipinas ng isang lugar na nagbibigay-pugay sa mga haligi ng entertainment... parang sariling bersyon ng Madame Tussauds. Hindi para makipagkumpitensya, kundi para ipakita na ang ating mga artista ay karapat-dapat ding kilalanin sa ganitong paraan.
Maganda ang konsepto.
Ang naging problema lang... nauna ang memes kaysa paghanga.
Dito natin nakita ang katotohanan sa panahon ng social media.
Hindi sapat ang magandang intensiyon.
Advertisement
Kailangan, pulido rin ang execution.
Hindi naman hinihingi ng publiko ang perpektong wax figures na milyon ang halaga. Naiintindihan ng marami na magkaiba ang budget, teknolohiya, at resources ng isang lokal na proyekto kumpara sa Madame Tussauds.
At sa totoo lang, sa ngayon ay hindi ko pa tiyak kung ang mga obra sa STARtista ay gawa nga ba sa wax na tulad ng sa Madame Tussauds, o resin, fiberglass, o iba pang materyales. Pero kung tutuusin, mas bagay ngang tawaging “eskultura” ang mga ito kaysa “wax figures”—at baka doon pa lang, makikita na natin na magkaiba pala talaga ang dalawa.
Para sana, kapag tumayo ka sa harap ng isang eskultura o sabihin na natin sa isang monumento, hindi mo na kailangang tanungin ang katabi mo ng...
“Uy... sino nga ulit ’to?”
Sa gitna ng lahat ng batikos, nagsalita rin ang lead artist na si Jerry Santos. Aniya, ginawa nila ang proyekto nang buong puso at bukas silang tumanggap ng mga puna. Hindi raw biro ang paglikha ng mga life-size na eskultura, at ang layunin nila ay magbigay-pugay sa mga artistang naging bahagi ng kasaysayan ng Philippine entertainment.
At alam n’yo, may punto rin siya.
Kasi kung tutuusin, mas madaling mag-type ng “Hindi kamukha!” habang nakahiga sa kama kaysa gumugol ng maraming oras sa paghubog ng isang likhang-sining.
Nakatutuwa rin na hindi naging defensive ang ilan sa mga artistang may estatwa sa gallery.
Sina Gladys Reyes, Ruffa Gutierrez, Ara Mina, Maui Taylor at maging si Pops Fernandez ay hindi nagpaka-diva. Sa halip, pinili nilang tingnan ang magandang layunin ng proyekto. May mga suhestiyon, may pag-unawa, at may pag-asang mas mapagaganda pa ang mga obra.
At siguro, ’yan ang dapat nating baunin sa usapang ito.
Oo, may karapatan tayong pumuna.
Kasama ’yan sa pagiging audience.
Pero sana, ang pagpuna ay hindi lang para makakuha ng maraming reactions o shares. Sana, may layunin din itong itulak ang isang magandang konsepto na maging mas mahusay.
Dahil sayang naman.
Kung ang pag-uusapan lang natin ay kung sino ang “hindi kamukha,” baka makalimutan natin ang tunay na dahilan kung bakit itinayo ang gallery: ang parangalan ang mga artistang naging soundtrack, inspirasyon, at bahagi ng buhay ng maraming Pilipino.
At para sa mga nasa likod ng proyekto, baka ito na rin ang pagkakataon para patunayan na ang pinakamagandang obra ay hindi iyong hindi pinuna.
Kundi iyong pinuna, inayos, at mas pinaganda.
Sa showbiz, uso ang make-over.
Baka panahon na rin para magkaroon ng makeover ang ilang eskultura o pigura. Walang masama roon. Ang mahalaga, handang makinig, handang magbago, at handang pagandahin ang isang proyektong nagsimula naman sa magandang layunin.
Tutal, sa industriya ng entertainment, hindi lang artista ang puwedeng magkaroon ng comeback.
Pati eskultura. Di ba?




