Alam mo iyong maliit na pakete sa loob ng bagong sapatos?
Iyong may nakasulat na: DO NOT EAT. HUWAG LUNUKIN.
Hindi dahil walang silbi ang silica gel. Pinoprotektahan nito ang laman ng kahon para hindi mabasa ang laman nito.
Pero kahit kapaki-pakinabang, may kaakibat itong panganib.
Kaya may babala.
Iyan ang naalala ko nang ipagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address ang Pax Silica Industrial Hub.
Maging malinaw tayo—maaaring maging magandang investment ang Pax Silica.
Maaari itong magdala ng trabaho, teknolohiya, at mas malaking papel para sa Pilipinas sa pandaigdigang industriya ng semiconductors at artificial intelligence.
Ang problema ay hindi ang pangarap.
Ang tanong ay kung handa ba tayong bayaran ang tunay na halaga nito.
Hindi Lang Ito App
Ang AI ay hindi lang app sa cellphone.
Sa likod nito ay malalaking data center—mga gusaling puno ng libo-libong computer at server na tumatakbo 24 oras bawat araw.
Kailangan ng mga ito ng napakalaking kuryente at tubig. Ganoon din sa paggawa ng semiconductors, na nangangailangan ng tuloy-tuloy na enerhiya at napakalinis na tubig.
Kaya bago tayo pumalakpak, tatlong tanong muna:
Saan manggagaling ang kuryente?
Saan manggagaling ang tubig?
At sino ang magbabayad?
Delikado sa Grid
Sakop ng Pax Silica ang humigit-kumulang 1,600 ektarya at maaari itong mangailangan ng hanggang 3 gigawatts ng kuryente—demand na halos kasinlaki ng pangangailangan ng buong Visayas grid.
Mismong si Energy Secretary Sharon Garin ang nagbabala:
"If you put it on the grid and then suddenly this 3-gigawatt demand will be lost, the grid will just shut down."
Dagdag pa niya:
"It's too dangerous for our usual consumers."
Hindi simpleng dagdag-load ang pinag-uusapan.
Kailangang paghandaan ang hiwalay na power system at malaking imprastruktura upang hindi malagay sa panganib ang suplay ng ordinaryong consumers.
At habang pinag-uusapan ito, kabilang na ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na singil sa kuryente sa Southeast Asia.
Hindi ito dahilan para tanggihan ang Pax Silica.
Dahilan ito para hingin ang buong kuwenta.
Sino ang Magbabayad?
Ito ang nakababahala—wala pang inilalabas na kumpletong plano sa pagpopondo.
Hindi pa natin puwedeng sabihing tiyak na uutang ang gobyerno o tataas ang ating electric bill.
Pero hindi rin puwedeng ipangakong walang magiging epekto sa publiko.
May kailangang magbayad sa mga planta, transmission lines, sistema ng tubig, kalsada, drainage, at iba pang imprastruktura.
Pribadong investors ba ang sasagot sa lahat?
May bahagi bang manggagaling sa taxpayers?
May gastos bang maaaring ipasa sa electricity consumers?
Kung uutang ang gobyerno, buwis ng mamamayan ang posibleng pambayad.
Kung ipapasa sa consumers ang gastos sa imprastraktura, maaari itong mapunta sa buwanang bayarin sa kuryente.
At kung may garantiya ng gobyerno at pumalpak ang proyekto, publiko ang huling tagasalo.
Tayo ang mag-aabono.
Kaya dapat ilabas ngayon pa lamang ang plano sa pagpopondo—hindi kapag napirmahan na ang mga kontrata at mahirap nang umatras.
Dahil pamilyar na tayo sa ganitong kuwento:
Kapag kumita ang proyekto, pribado ang may tubo.
Kapag kinulang ang imprastraktura, publiko ang may problema.
Kapag tumaas ang gastos, mamamayan ang magbabayad.
Tubig at Lupa
Hindi lang kuryente ang usapin.
Tubig at lupa rin.
Sa Ohio sa Estados Unidos, humihingi ang mga mambabatas ng mas malinaw na pag-uulat sa paggamit ng tubig ng malalaking data center.
Advertisement
Kung doon ay hinihingi ang malinaw na datos, bakit dito tila sapat na ang press release?
Sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na hindi banta sa pambansang seguridad ang Pax Silica at hindi nito kukunin ang tubig na para sa mga komunidad.
Maganda kung ganoon nga—pero ang tiwala ay hindi kapalit ng malinaw na garantiya.
Saan manggagaling ang tubig?
Gaano karami ang kakailanganin?
Paano ito ire-recycle?
At kapag nagkulang ang suplay, sino ang mauunang poprotektahan—ang tao o ang pabrika?
Nasaan ang pag-aaral sa tubig sa ilalim ng lupa?
Paano titiyaking hindi mauubos o mapipinsala ang likas na yamang dapat mapakinabangan din ng susunod na henerasyon?
Nasaan ang pagtataya sa pangangailangan at suplay ng tubig sa panahon ng El Niño, gayong ngayon pa lamang ay problema na sa maraming lugar ang kakulangan sa tubig?
May mga grupo ring nagbabala tungkol sa posibleng epekto ng mas malawak na New Clark City development sa mga Aeta at magsasaka.
Itinatanggi naman ng BCDA ang malawakang displacement.
Magkakaiba ang kanilang mga bersyon. Hindi natin kailangang basta pumili kung sino ang tama.
Mas mabuting hingin ang ebidensya.
Ipakita ang mapa.
Ipakita ang mga rekord ng lupa.
Ipakita ang pagsusuri sa lupang ninuno.
Ipakita ang plano sa bayad-pinsala at paglilipat—kung mayroon.
Dahil ang kawalan ng titulo ay hindi awtomatikong nangangahulugang walang komunidad.
At kapag nagkulang ang tubig, hindi ang multinational corporation ang unang mag-a-adjust.
Ang magsasaka.
Ang mga Aeta.
Ang pamilyang naghihintay na lumabas ang tubig sa gripo.
Ipakita ang Resibo
Kung seryoso ang gobyerno sa Pax Silica, huwag investment figures at artist's renderings lamang ang ilabas.
Ipakita ang pag-aaral sa epekto sa sistema ng kuryente.
Ipakita ang pagtataya sa pangangailangan at suplay ng tubig.
Ipakita ang pagsusuri sa epekto sa kalikasan at komunidad.
Ipakita ang plano sa pagpopondo at contingency plan kung matigil o iwanan ang proyekto.
Saan manggagaling ang 3 gigawatts?
Sino ang magbabayad?
At kapag umalis ang investor o naluma ang teknolohiya, sino ang maglilinis at sasalo sa obligasyon?
Hindi ito pagkontra sa investment, kundi paghingi ng buong kuwenta.
Kapag Wala Na Sila
Ito ang tanong na bihirang itanong sa malalaking proyekto:
Ano ang matitira kapag wala na sa puwesto ang mga nag-apruba nito?
Maaaring wala na sila roon kapag lumabas ang tunay na epekto ng kanilang mga desisyon.
Pero maaaring manatili ang kontrata, ang utang, at ang mataas na bayarin.
At kung mapinsala ang pinagkukunan ng tubig, hindi iyon madaling maibabalik.
Madaling mag-groundbreaking, magpa-picture, at magputol ng ribbon.
Ang mahirap ay tiyaking hindi ang susunod na henerasyon ang magbabayad ng tunay na halaga.
Maaaring maging magandang investment ang Pax Silica.
Pero ang magandang investment ay hindi lamang nasusukat sa laki ng kapital na pumapasok.
Nasusukat din ito sa kung gaano kaliit ang panganib na ipinapasa sa mamamayan.
Hindi natin kailangang katakutan ang AI o tanggihan ang pamumuhunan.
Pero hindi rin natin kailangang lunukin ang bawat pangako nang hindi muna sinusuri ang mga kondisyon.
May dahilan kung bakit may nakasulat na "Do Not Eat."
Hindi dahil walang silbi ang silica gel.
Kundi dahil may mga bagay na dapat munang sukatin, pag-aralan, at patunayan bago tanggapin.
Ganoon din ang Pax Silica.
Bago maniwala, magtanong.
Bago pumalakpak, humingi ng datos.
At bago ipagdiwang ang pinakamalaking investment ng kasalukuyan, tiyaking hindi ito magiging pinakamabigat na bayarin ng susunod na henerasyon.



