Inaresto si Chavit Singson noong Huwebes, Hunyo 11, dahil sa kasong cyber libel. Sandali lang siya sa presinto. Agad siyang nagpiyansa ng P60,000, pero hindi piyansa ang istorya rito. “I wear this arrest as a badge of honor,” sabi niya sa kanyang opisyal na pahayag. Hindi ito kuwento ng isang ordinaryong kaso.
Tandaan natin kung sino si Chavit. Hindi ito ordinaryong kritiko. Isa siya sa pinakamatapang na tagasuporta ni PBBM noong eleksyon ng 2022. Pero nag-iba ang ihip ng hangin nang simulan niyang kalkalin ang flood control mess. Sinabi niyang ang 5,500 diumanong tapos nang flood control projects ay mga multo. Hinamon niya ng debate ang Pangulo at ang Speaker. Hindi sumagot ang Palasyo. Tinawag pa niyang “mastermind” ang Pangulo mismo. At kamakailan, may warrant na mula daw sa Vigan, at sa loob ng ilang minuto, kumakalat na ang kanyang booking photograph. “That does not happen without authorization. Since the police operate under the Executive Branch, we have every right to ask who ordered it and why,” ayon kay Singson.
Bakit malaking isyu ito? Dahil hindi nag-iisa ang kuwento ni Chavit.
Ating balikan ang mga balita. Si Curlee Discaya, ang kontratistang nagturo ng mga pangalan sa loob mismo ng DPWH, whistleblower kumbaga, ay inaresto noong Hunyo 8 sa mismong Senado dahil sa P53.9-milyong kaso sa Bulacan. Ayon sa kanyang abogado, matapos tumulong sa gobyerno, ito ang napala niya. Handa raw siyang magbunyag ng 150 pangalan. Pero tila bago pa siya tuluyang makapagsalita, nasa kulungan na siya.
Si Senador Jinggoy Estrada, na hindi kaalyado ng administrasyon, kinasuhan ng plunder at graft sa diumanong P573 milyong kickbacks; inutos ng Sandiganbayan ang kanyang pag-aresto noong Hunyo 1. Si Bong Revilla, mula pa Enero, nakakulong na sa Quezon City Jail dahil sa P92.8-milyong “ghost project” sa Pandi, Bulacan. At si Cong Kiko “Congressmeow” Barzaga, ang batang mambabatas na nanawagan ng resignation ng Pangulo, ay pinatalsik ng Kamara noong Hunyo 2 sa botong 265-14, dahil daw sa “disorderly behavior.” Pangalawa pa lamang siyang mambabatas sa ating kasaysayan na pinaalis ng sarili niyang mga kasamahan.
At nariyan si Cong Leandro Leviste ng Batangas, isa sa pinakamatapang na kritiko ng Kamara at ni dating Speaker Martin Romualdez. Noong Mayo 5, sa kanyang privilege speech, inakusahan niya ang mga kapwa mambabatas ng korapsyon at vote-buying, at inilantad ang tinatawag na “Cabral files.” Ano ang sagot ng Kamara? Binura ang buong talumpati niya sa records, sinampahan siya ng condemning resolution ng limang kapwa Batangueño, at makalipas lamang ang ilang araw, kinasuhan ng DOE ang kanyang solar company. Sabihin nating nagkataon lamang ang lahat ng iyan. Pero sa dami na ng nagkakataon, mahirap nang hindi mapansin ang padron.
Advertisement
Hindi rin natutulog ang laro sa Senado. Hati ngayon ang Kapulungan. Sa isang panig, ang Cayetano bloc. Sila ang nagpapatuloy ng Blue Ribbon probe sa flood control, sa pangunguna ni Sen. Pia Cayetano. Sa kabilang panig, ang Gatchalian bloc na may 12 senador, kulang sa 13 botong hinihingi, ayon kay Cayetano, ng Saligang Batas para sa lehitimong halalan ng pamunuan ng Senado. Pero sino agad ang tila kinilala ng Palasyo? Sa mismong Araw ng Kalayaan, tinawag ni PBBM si Gatchalian na Senate President Pro Tempore. At may mga ulat ng recruitment para mabuo ang ika-13 boto. Itinanggi ito ng Palasyo. Pero kapansin-pansin: isa sa mga unang hakbang ng bagong mayorya ay tanggalin si Pia Cayetano sa pagka-chairman ng Blue Ribbon, ang komiteng nag-iimbestiga sa flood control mess. Ang Senado ay dapat malayang institusyon, hindi extension ng Malacañang.
At huwag nating kalimutan ang 18 dating Marines, ang mga nagsasabing sila mismo ang naging “bagmen” na naghatid ng mga maletang puno diumano ng pera sa iba’t ibang opisyal. Ilang linggo silang walang puwang sa Senado, hanggang sa tawagin sila ng Cayetano-led Blue Ribbon hearing noong Hunyo 4 upang magsalita. Kapansin-pansin pa: kabilang sa mga pangalang binanggit nila ang mismong bagong chairman ng Blue Ribbon sa ilalim ng bagong mayorya. Hindi natin sinasabing totoo ang kanilang mga alegasyon. Pero ang testimonya, dapat pakinggan at imbestigahan, hindi ibinabaon.
Si Chavit na mismo ang nagtanong: “Hindi ba kapansin-pansin na habang lumalabas ang mga detalye ng korapsyon, ang mga nagsasalita tungkol dito ang siyang pinatatahimik at sinasampahan ng kaso?”
So ano ang hubad na katotohanan dito? Na tila may pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa flood control mess, at itago kung sino talaga ang dapat managot. Ang mga Discaya ay hindi ang big fish. Sila ang maliliit na isdang inihahain sa atin habang malayang lumalangoy ang mga buwaya. Bilyon-bilyong pisong dapat sana ay nagprotekta sa mga pamilyang Pilipino laban sa baha. Saan ito napunta? Sino ang nakinabang?
Muli, mula sa pahayag ni Singson: “Ang tunay na isyu rito ay hindi cyber libel. Ang tunay na isyu ay kung saan napunta ang pera ng bayan, sino ang nakinabang, at sino ang dapat managot.”
“I will not be silenced,” pangako ng dating gobernador, na ngayon ay isang pribadong mamamayan na lamang. Sana hindi lang siya ang magsalita. Dahil kapag napatahimik na ang lahat ng nagtatanong, ang matitira na lamang ay ang katahimikan ng mga nagnakaw. Sa huli, ang taumbayan ang nalulunod, sa baha at sa kasinungalingan. And that is the bald truth here.



