Nilinaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi magpapatupad ng fishing ban ang gobyerno dahil makakaapekto ito sa kita ng mga maliliit na mangingisda sa bansa.
Sa panayam ng media sa isinagawang pamamahagi ng bigas sa Iriga City, Camarines Sur noong Sabado, sinabi ng Pangulo na hindi ipatutupad ang fishing ban kundi hihigpitan lang ang pangingisda sa mga breeding areas.
“Hindi maganda ang pagpapaliwanag ko. Hindi fishing ban ang pinag-usapan ko. Ang sinasabi ko, kung saan ‘yung breeding area ng isda, huwag tayong mangingisda doon para dumami ‘yung isda,” paglilinaw ni Marcos.
“Pero walang fishing ban. Hindi naman — walang hanapbuhay ang tao. Padadamihin nga natin ‘yung isda. Dahil kausap ko kanina ‘yung mga mangingisda, sabi nila talagang nabawasan na ‘yung huli nila,”dagdag ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga pinanggagalingan ng isda upang matiyak ang masaganang suplay ng isda sa Pilipinas at upang matiyak na hindi maaapektuhan ang pinagmumulan ng kita ng mga mangingisda.
Binigyang-diin kamakailan ni Pangulong Marcos ang pangangailangang tugunan ang labis na pangingisda at palakasin ang populasyon ng isda at aquaculture ng bansa sa bansa.




