Hinarang ng National Telecommunications Commission (NTC) ang dalawang website na umano’y ginagamit upang manghikayat ng karahasan at manghikayat ng mga menor de edad na sumali sa mga mararahas na online community.
Inatasan ng NTC ang mga internet service provider sa bansa na harangan ang access sa mga naturang website.
Ayon sa Philippine National Police, bahagi ito ng pinaigting na pagkilos laban sa mga online platform na maaaring mag-udyok ng mararahas na gawain, kabilang ang mga pamamaril sa paaralan.
Patuloy ding tinutukoy ng mga awtoridad ang iba pang website at platform na posibleng naglalaman o nagpapalaganap ng kahalintulad na content.
Kasunod ito ng pinaigting na pagbabantay matapos ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre 18.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang online activities ng gunman, ngunit wala pang pampublikong natuklasan na direktang nag-uugnay sa dalawang website sa pamamaril sa Banga.
Photo: Lloyd Caliwan / Philippine News Agency (PNA)


