Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng umano’y isang ‘tulak’ sa ilegal na droga ang mag lived-in partner, Miyerkules ng gabi sa Quezon City.
Namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng krimen si Jeth Vertudazo, 24 alyas Ameng, ng Cadena De Amor St., Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro, Quezon City, samantalang namatay naman habang ginagamot sa Quezon City General Hospital ang ka-live-in nitong si Cyrille Anne Macabuhay, 27, alyas Negra.
Pinaghahanap naman ang suspek na kinilalang si Los Brigos Fabro na residente ng Incinerator St. ng nabanggit ding lugar at sinasabing umano’y ‘tulak’ ng droga. Mabilis itong tumakas sakay ng kanyang motorsiklo.
Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-5:40 ng hapon sa may Cadena De Amor St., corner Ilang-Ilang St., Sitio Militar, Brgy.Bahay Toro, Quezon City.
Bibili lamang umano ng sigarilyo ang mga biktima nang pagbabarilin nang malapitan ng suspek.
Lumilitaw sa imbestigasyon na posibleng ikinagalit umano ng suspek ang 'pagtimbre' sa kanya ng mga biktima sa mga pulis.




