Isinumite na ng Commission on Audit (COA) sa Senado ang special audit report sa maanomalyang multi-bilyon pisong pagbili ng dating administrasyon ng COVID-19 medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang P13.53 bilyong budget ng COA para sa taong 2024, tinanong ng isang mambabatas ang update tungkol sa usapin.
Tugon ni Senator Sonny Angara, sponsor ng COA budget, natanggap na ni Senate President Juan Miguel Zubiri noong September 19 ang siyam na libro na report ng COA ukol dito.
Nagulat si Hontiveros sa napakakapal na special audit report ng COA tungkol sa maanomalyang Pharmally deal at inusisa kung ano ang pinakamahalagang findings ng COA.
Ayon kay Angara, masyadong mahaba ang COA report dahil tinalakay dito ang bawat opisyal na sangkot at may mga findings tungkol sa naging partisipasyon ni dating Health Secretary Francisco Duque II at ilang dating Undersecretaries ng Procurement Services ng DBM.
Kabilang sa mga findings ay ang hindi pagtupad ng Department of Health (DOH) sa administrative control para matiyak ang availability ng mga PPEs at medical supplies; nabigo rin ang DOH na makipag-ugnayan sa PS-DBM para sa timeliness ng procurement, schedule ng deliveries, at periodical consumption ng medical supplies.
Hindi rin nabigyan ng konsiderasyon ang angkop na warehouse facilities para sa mga medical supplies, hindi kumilos ang DOH para i-monitor ang liquidation ng paglilipat ng pondo sa PS-DBM, hindi makatwiran ang presyo ng mga supplies, inconsistent na proseso at kawalan ng negosasyon sa pagitan ng mga suppliers.




