Umabot na sa 1.6 milyon indibidwal na kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC) ang naitala na dumalo sa National Rally for Peace sa Quirino Grandstand sa siyudad ng Maynila.
Base sa inilabas na impormasyon ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, sa kabuuan ay nasa 1.8 milyon na ang naitatala ng kapulisan na nakiisa at lumahok sa peace rally ng INC sa 11 lugar sa bansa, kabilang ang Quirino Grandstand.
“As of 12 noon today, more or less ay nasa 1.8 million na po nationwide ang na-monitor natin na estimated crowd,” anunsyo ni Fajardo sa press briefing.
“Ang bulk po niyan na more or less 1.5 million to close to 1.6 million po ay nasa Quirino Grandstand po ngayon,” paglalahad ni Fajardo.
Ayon kay Fajardo, mula ng magdatingan ang INC members sa mga lugar na pinagdarausan ng peace rally sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas dakong 8:00 ng umaga, nananatiling payapa, maayos at walang naitala na untoward incidents ang pulisya.
Maliban sa Quirino Grandstand, isinasagawa rin ang peace rally sa mga sumusunod:
Sports Complex sa Ilagan City; Provincial Capitol ng Palawan; Sawangan Park sa Legazpi City; Freedom Grandstand sa Bacolod City; Ormoc City Plaza sa Ormoc City, Leyte; South Road Properties (SRP) Grounds sa Cebu City; Pagadian City Proper sa Zamboanga del Sur; Plaza Divisoria ng Cagayan de Oro City; San Pedro Square sa Davao City; at Butuan Sport Complex sa Butuan City, Agusan del Norte.










