Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang nagsabing bigas ang pinaka-kritikal na problema ng Pilipinas ngayon. Kaya naman, todo-hanap ng solusyon ang administrasyon lalo pa nga't hindi kumpleto ang almusal, tanghalian maging ang hapunan ng Pinoy kung walang kanin.
Pinoproblema ni Pangulong Marcos ang supply ng bigas at aniya, tinatrabaho ito ng gobyerno sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Binabantayan din ng gobyerno ang presyuhan ng bigas matapos itong sumipa sa P65 kada kilo sa ilang mga palengke sa Metro Manila.
Hindi ba't ipinangako ni Pangulong Marcos na pabababain niya ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo? Pati ata mga grupo ng mga magsasaka ay nagrereklamo na at hindi na kayang pababain pa ng ilang mga supplier ang presyo kahit nasa Kadiwa stores pa sila.
Sabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, buwagin na ang National Food Authority dahil palpak naman ito sa pagsuporta sa rice industry ng bansa. Sinita ng SINAG ang pakikipagnegosasyon ng NFA sa ibang bansa para sa importasyon gayong wala naman daw mandato para rito. Ikinabahala ng SINAG ang panic buying ng palay sa hanay ng mga magsasaka, millers at traders dahil na rin sa buffer stock ng NFA na 1.56 araw.
Advertisement
Sinisi pa ng Commission on Audit ang NFA dahil sa kawalang-interes nito na bumili muli sa mga magsasaka natin.
Tahimik ang NFA sa mga isyu, at sa halip ay humirit ng halos P30 bilyong pondo sa House budget hearing.
Sabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, kailangang tumaas ng husto ang productivity sa agrikultura para maabot ang hangarin ng presidente. Aminado si Agriculture Usec Leocadio Sebastian na mahirap abutin ang P20 kada kilo. Kahit si Usec Mercedita Sombilla ay nagsabi ring kahit sa susunod na dalawang taon ay mahirap itong maabot.
Sabi ng Department of Agriculture, nasa 7.76 milyong metriko tonelada ang inaasahang demand sa bigas sa ikalawang bahagi ng 2023. Kaya siguro ang ibang mga opisyal ng gobyerno ay nagsusuhestiyon na ng kung ano-anong alternatibo sa kanin.
Malapit na malapit ang kanin hindi lang sa sikmura kundi sa puso ng mga Pinoy. Kaya't malaking mantsa ang imamarka ng bigas issue na ito sa gunita ng taumbayan sa administrasyong Marcos Jr. Sabi nga ng mga kaibigan nating memer sa Facebook, nauna pang umabot ng bente pesos ang sitsirya kaysa bigas.





