Opisyal nang bubuksan bukas, Hunyo 19, ang ticket presale para sa Day 3 ng "Arirang" world tour ng BTS na gaganapin sa Philippine Sports Stadium, sa Bocaue, Bulacan.
Ang karagdagang show ay gaganapin sa Marso 16, 2027. Nauna rito'y mabilis na naubos ang mga tiket para sa unang dalawang gabi (Marso 13 at 14) na una nang idineklara ng Live Nation Philippines na ganap nang sold out.
Bilang venue ng tatlong gabi na serye ng konsyerto, ang Philippine Sports Stadium ay may kakayahang mag-accommodate ng libu-libong manonood para sa mga sports event at malalaking musical production.
Inaasahan na ang malawak at open-field layout ng stadium ang magiging daan para sa mas malaking stage setup at state-of-the-art sound system na kinakailangan para sa mga ganitong kalaking world tour. Ang lokasyon nito sa Ciudad de Victoria ay nagbibigay din ng sapat na espasyo para sa control gates at queuing areas para sa kaligtasan ng mga dadalo.
Ang serye ng bentahan ng ticket para sa Day 3 ay hahatiin sa dalawang araw:
* ARMY Membership Presale: Bukas, Hunyo 19, 2026, 9:00 AM-10:00 PM sa Ticketmaster Philippines.
* General Onsale: Magsisimula sa Sabado, Hunyo 20, 2026, 9:00 AM
Mananatili ang presyo ng mga tiket na naglalaro sa ₱7,500 para sa Bleachers 2 hanggang ₱25,000 para sa VIP Soundcheck package. Nililimitahan lamang sa maximum na dalawang (2) tiket kada transaksyon ang pinapayagan upang masiguro ang maayos na sistema ng distribusyon.
Para sa mga nagnanais na kumuha ng tiket sa presale bukas, maaaring bisitahin ang opisyal na Ticketmaster PH Event Page upang makita ang upuan at stadium layout ng Philippine Sports Stadium.

