Nagbubunyi ngayon ang mga Filo ARMY matapos opisyal na ianunsyo ng concert promoter na Live Nation Philippines at BigHit Music ang pagdaragdag ng ikatlong araw (Day 3) para sa highly anticipated BTS 'Arirang' World Tour na gaganapin din sa bansa.
Dahil sa mabilis na pagkaubos ng mga tiket para sa mga unang inanunsyong petsa, magkakaroon pa ng isang gabi ang global superstars para mag-perform sa Philippine Sports Stadium sa Bulacan sa Marso 16, 2027. Ang unang dalawang show na una nang na-sold out ay gaganapin sa Marso 13 at 14, 2027.
"One more night, one more chance to experience BTS WORLD TOUR 'ARIRANG' IN BULACAN," pahayag ng Live Nation Philippines sa kanilang social media post ngayong Miyerkules, Hunyo 17, 2026.
Para sa fans na hindi nakasecure ng tickets sa unang round ng bentahan, narito ang mga mahalagang petsa na dapat tandaan para sa karagdagang show:
ARMY Membership Presale: Biyernes, Hunyo 19, 2026 (9:00 AM hanggang 10:00 PM) via Ticketmaster PH.
General Onsale: Sabado, Hunyo 20, 2026 (9:00 AM).
Ang presyo ng mga tiket ay mananatili sa rates nito mula ₱7,500 para sa Bleachers 2 hanggang ₱25,000 para sa VIP Soundcheck package.
Ang "Arirang" world tour, na nagsimula noong Abril sa South Korea, ay ikinasa matapos ang paglabas ng kanilang pinakabagong comeback album na may parehong pangalan nitong Marso 2026—ang kauna-unahang major album ng grupo matapos ang kanilang pansamantalang hiatus para sa military service.
Noong Hunyo 12 ay inilabas ng pitong miyembro, RM, Jin, Suga, J-Hope, Jimin, V, at Jungkook, ang kanilang bagong single na "Come Over," habang inaabangan naman ang music video para sa track na "Merry Go Round" ngayong darating na Hunyo 19.


