Nagtala ng panibagong kasaysayan sa music industry ang "Golden Maknae" ng BTS na si Jung Kook matapos lagpasan ng kaniyang solo debut single na “Seven” ang 3 bilyong streams sa Spotify.
Dahil dito, opisyal siyang kinilala bilang kauna-unahang Korean at Asian artist na nakaabot sa naturang streaming milestone sa kasaysayan ng platform gamit ang isang kanta.
Ayon sa BigHit Music, ang "Seven," na tampok ang rapper na si Latto, ang nag-iisang kanta sa buong mundo na inilabas noong 2023 na nakapagtala ng ganitong karaming stream. Patuloy din itong gumagawa ng ingay sa mga global chart at nananatiling paboritong pakinggan ng fans kahit tatlong taon na ang nakalipas mula nang ilabas ito.
Ang makasaysayang tagumpay na ito ay naabot ni Jung Kook kasabay ng kasalukuyang "Arirang" World Tour ng buong grupo. Ito ang pinakamalaking concert tour ng BTS at bahagi ng kanilang muling pagsasama-sama sa entablado matapos ang kanilang mandatory military service.
Excited na rin ang FILO ARMYs dahil kasama ang Pilipinas sa mga lalapagan ng kanilang global tour.
Nakatakdang mag-perform si Jung Kook kasama ang buong BTS para sa isang sold-out na tatlong araw na concert sa Philippine Sports Stadium sa Ciudad de Victoria, Bocaue, Bulacan sa Marso 13, 14, at 16, 2027, kung saan inaasahang hahataw nang live ang mga sikat nilang kanta kabilang na ang mga record-breaking solo tracks ng bawat miyembro.

