PHILIPPINE EAGLE PINAKAWALAN SA SARANGANI
Published Jun 14, 2022 10:49 AM by: NET25
BILANG simbolo ng kalayaan, pinakawalan nitong Lunes ang isang Philippine Eagle sa natural nitong tahanan sa Mount Busa sa Maitum, Sarangani Province. Ang pagpapakawala sa agila ay isang araw makaraan ang selebrasyon ng bansa sa Araw ng Kalayaan. Si "Sarangani eagle" ay isang lalaking Philippine Eagle na nasa 3-4 taong gulang. Nasagip ito noong Enero 2021 kung saan may nakabaon pang isang bolitas sa kanyang balikat nang barilin siya ng airgun. Sumailalim ito sa isang taong rehabilitasyon, kabilang ang matagumpay na operasyon. Pinalakas ng Philippine Eagle Foundation at ng iba't ibang sektor ang kampanya para maproteksyonan ang mga Philippine Eagle sa pamamagitan ng community education, public awareness campaign, at volunteer forest guards training. Ayon sa International Union for Conservation, maituturing na critically endangered na hayop ang Philippine Eagle.
Latest News