Logo
FEATURED

MARCOS, BIDEN NAGPULONG SA NEW YORK; TENSYON SA SOUTH CHINA SEA, TINALAKAY

Published Sep 23, 2022 09:30 AM by: NET25 News | 📷 : OPS

MARCOS, BIDEN NAGPULONG SA NEW YORK; TENSYON SA SOUTH CHINA SEA, TINALAKAY

Naging produktibo ang pagpupulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at U.S. President Joe Biden sa New York, sa pagpapatuloy ng ika-77 United Nations General Assembly. Isa sa mga pangunahing agenda ng pag-uusap ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon sa South China Sea kung saan patuloy na iginigiit ng China ang kapangyarihan at impluwensiya nito sa teritoryo ng mga nakapaligid na bansa. Umaasa si Biden na magkakaroon ng mas malalim na usapan tungkol sa sitwasyon sa South China Sea. Aniya, nakadaupang-palad niya si Chinese President Xi Jinping at iba pang mga lider tungkol sa usapin na international waters at ang mga patakaran na dapat igalang sa aspetong ito. Tugon ni Marcos, pangunahing isinasaalang-alang ng Pilipinas ang pagtataguyod ng kapayapaan. Umaasa naman siyang mapag-uusapan pa ang papel na gagampanan ng Amerika at Pilipinas sa naturang sigalot. Tangi rito, nabanggit rin sa pagpupulong ang pagkilala ng U.S. sa posisyon ng Pilipinas sa Russia-Ukraine conflict at ang pagpapasalamat ng Pilipinas sa U.S. sa pagtulong sa bansa na tugunin ang pandemya ng Covid-19. Samantala, ayon sa Malacanang, tanging si Marcos lang ang pinagbigyan ni Biden sa 48 world leaders na humiling ng bilateral talks kasama ang Presidente ng Estados Unidos. Kasama ni PBBM sa naturang pagpupulong sina House Speaker Martin Romualdez, Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez, Foreign Affairs Secretary Secretary Enrique Manalo, Finance Secretary Ben Diokno at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos. Sa kaniyang tweet, binanggit ni Biden ang malakas at matibay na alyansa ng U.S. at Pilipinas. Ipinahayag naman ni Marcos ang pananatili ng Pilipinas bilang kakampi at kaibigan ng Estados Unidos. “We are your partners. We are your allies. We are your friends," aniya.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News