Logo
FEATURED

DY UMAASA NA BUBUTI ANG SITWASYON NG KURYENTE SA ISABELA SA GAGAWING IMBESTIGASYON LABAN SA ISELCO 1 AT 2

Published Sep 22, 2022 04:31 PM by: NET25 News | 📷 : Faustino "Inno" Dy V FB

DY UMAASA NA BUBUTI ANG SITWASYON NG KURYENTE SA ISABELA SA GAGAWING IMBESTIGASYON LABAN SA ISELCO 1 AT 2

Kumpiyansa si Isabela 6th District Representative Inno Dy na makakatulong ang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan upang mapabuti at mapababa ng dalawang electric cooperatives ang serbisyo at presyo ng kuryente sa probinsya ng Isabela. “We hope that this inquiry will lead to an improvement in Isabela’s power situation. Hindi po makatarungan at makatao ang perwisyong dinadanas ng mga taga-Isabela dahil sa mga electric cooperative na nanumpang pagsilbihan sila,” pahayag ni Dy. Noong Lunes (Setyembre 20), ang House Committee on North Luzon Growth Quadrangle na pinamumunuan ni Ilocos 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba, ay tinalakay ang House Resolution No. 367, at hiniling sa komite na imbestigahan ang Isabela Electric Cooperatives 1 (ISELCO 1) at Isabela Electric Cooperative 2 (ISELCO 2), at ang HR 333 na humihiling sa Committee on Energy na siyasatin ang power supply sa lalawigan ng Isabela. Ang iba pang mambabatas ng Isabela na kasama ni Dy, author ng resolusyon, ay sina: 1st District Rep. Tonypet Albano, 2nd District Rep. Ed Christopher Go, 3rd District Rep. Ian Paul Dy, 4th District Rep. Joseph Tan, 5th District Rep. Faustino Michael Carlos Dy III, at LPGMA Party-list Rep. Allan Ty. Ayon kay Dy, ang power rate sa Isabela ay nasa P15.55-16/kWh. Kabaliktaran ito sa ibang mga lugar na mababa ang presyo katulad ng sa Metro Manila’s na ang average rate ay P9.545/kWh, Central Negros na may P12.17/kWh, at Davao Oriental na mayroong P12/kWh. Kinastigo ni Dy ang ISELCO 1 at 2 dahil sa kawalan ng transparency at accountability matapos tumangging ilabas sa publiko ang kanilang financial records. Bunga nito, nanawagan ang mambabatas sa National Electrification Administration (NEA) at Department of Energy (DOE) na makialam sa problema sa enerhiya ng Isabela province. Sa pagdinig sa Kongreso, ipinaalam ni Dy kung paano binabalewala ng 2 electric cooperatives ang panawagan at reklamo ng mga residente ng Isabela, gayundin ang pagtangging kilalanin ang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na nananawagan na magsagawa ng Annual General Membership Assembly at Regional District Elections. Dinagdag ni Dy na maraming ‘show cause orders’ na inisyu laban sa dalawang electric cooperatives ay senyales ng mismanagement at abuse of power, at kailangan aksyunan ng ERC at NEA para magpataw ng kaukulang parusa at penalty. "The number one priority of ECs should be the interest and welfare of their MCOs, and not their own," giit ni Dy. "Kaya para makasiguro, bukod sa dumulog na ako sa plenaryo ay inihain na naming mga kinatawan ng Isabela ang resolusyong ito para gisingin na rin ang NEA,” paliwanag ni Dy. "Naniniwala kaming malaking tulong sa administrasyong PBBM ang imbestigasyong gagawin ng ating komite para mapanagot ang mapapatunayang nagpapabaya sa kanilang tungkulin; masuri ang mga pagkukulang sa ating mga batas; at muling lumiwanag sa probinsya ng Isabela,” paglalahad ni Dy.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News