Logo
FEATURED

PAGALIS MULA SA MGA MALALAKING LUNGSOD SA CANADA, UDYOK NG PATULOY NA PANANALASA NG COVID19

Published Jan 15, 2022 03:28 PM by: MARIA GARCIA

PAGALIS MULA SA MGA MALALAKING LUNGSOD SA CANADA, UDYOK NG PATULOY NA PANANALASA NG COVID19

Sa pag-igting ng tila hindi matapos-tapos na banta ng COVID-19 ay patuloy na dumarami ang mga tao na nililisan ang Toronto, kabisera ng Ontario. Kung noon ang Toronto ay tila isang mapang-akit na lungsod na may pangako ng pagunlad, oportunidad, at sigla ng kabuhayan, ngayon naman ay parang nagmamadali ang mga residente nito na lumabas at iwanan ang siyudad para sa iba pang mga lugar sa loob at labas ng Ontario. Mahigit 64,000 katao na ang umalis ng Toronto para sa mga mas malilit at liblib na bayan sa Ontario mula pa sa kalagitnaan ng taong 2020 hanggang sa kalahati ng taong 2021. Ito ay mas mataas ng 14% mula sa taong nakalipas ayon sa Statistics Canada idagdag pa ang 6,600 na tuluyang lumipat ng ibang lalawigan sa Canada. Ang Montreal na siyang pangalawang pinakamalaking lungsod sa bansa ay nawalan din ng 40,000 residente mataas ng 60% kumpara sa nakalipas na taon na may kasama pang 3,600 na lumabas na ng tuluyan sa lalawigan ng Quebec. Dala ng pandemya, libu libong mga empleyado ang nailipat sa work from home na set-up o ang pagtatrabaho mula sa kani-kanilang mga tahanan. Bunsod nito, mas pinili ng mga Canadians na makatipid at lumipat sa mga lugar kung saan mas mura ang pabahay, maliit na bayan, o malapit sa baybayin kung saan mas mababa ng bahagya ang antas ng pamumuhay kumpara sa mga malalaking lungsod gaya ng Toronto at Montreal. Dahilan ng mga malawakang paglilipat, ito ang nagtulak sa pagusbong ng industriya ng real estate sa mga karatig bayan at maliliit na siyudad na siya rin tumawag ng pansin at pagaalala ng mga lokal na residente dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga bagong salta kung saan maaring makomprimiso ang mga serbisyong pang munisipalidad. Karaniwan na sa $780,400 ang presyo ng mga bahay sa Canada sa kasalukuyan, mataas ng 34% o halos $200,000 simula noong Marso 2020. Ang mga lalawigan sa Atlantic Canada ay kabaligtaran naman ang naging karanasan. Nagtala ng karagdagang 6,000 bagong mga residente ang Halifax, Nova Scotia mula pa noong Hunyo 30, 2021 kung saan karamihan ng mga ito ay mula pa sa ibang lalawigan. Sa kabuuan, ang lalawigan ng Quebec ay nagtala rin ng karagdagang 25,000 katao na lumipat sa mga karatig bayan sa labas ng malalaking lungsod gaya ng Montreal. Ang mga lugar na kung tawagin ay nasa bahagi ng Golden Horseshoe na nakapalibot sa buong Toronto gaya halimbawa ng lungsod ng Oshawa ay nagdagdag ng may 8,000 bagong residente mula sa Toronto at halos 5,000 naman ang nangibang bayan patungong Hamilton at St.Catherines. Bagaman marami ang lumisan mula sa lungsod ng Toronto, ito ay mabilis rin naman napalitan ng mga bagong imigrante na tumungo papuntang Canada.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News