MAWAR NAPANATILI ANG KATEGORYA NA SUPER TYPHOON —PAGASA
Published May 26, 2023 05:33 PM by: NET25 News | 📷: DOST_PAGASA FB
Tinukoy ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na direktang mahahagip ni super typhoon Mawar ang Babuyan Islands, Batanes group of Islands, at Mainland Cagayan. Sa ulat ng PAGASA, nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo kaya wala pa rin itong epekto sa bansa at huling namataan sa southeastern Luzon. Habang nasa gitna ng karagatan Pasipiko ay taglay ni Mawar ang lakas ng hangin na 215 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 260 kilometers per hour. Inaasahang papasok ang bagyo sa PAR mamayang gabi (May 26) o sa Sabado ng umaga (May 27). “Halos walang pinagbago ang kanyang track. Posible pa rin itong pumasok ng ating Area of Responsibility mamayang gabi po o bukas ng madaling araw at papangalanan natin itong si ‘Betty’,” pahayag ng weather specialist na si Ana Clauren sa isang press briefing. “Mapapanatili nito ‘yung Super Typhoon category hanggang Monday ng umaga at pagdating po ng Monday evening hanggang Tuesday, posible po itong humina into a Typhoon category,” dagdag pa ni Clauren. Nagbabala ang PAGASA na posibleng tamaan ng bagyo ang Batanes, Babuyan Islands, at Cagayan Valley. “Nakikita po natin na posibleng mahagip ng bagyong Mawar ang Batanes, Babuyan Islands, pati na rin ang Mainland Cagayan kaya hindi po natin inaalis ang posibilidad na magtaas tayo ng warning signals sa mga nabanggit na lugar,” sambit ni Clauren. Kahit wala pang epekto ang bagyo, asahan pa rin ang mga pag-ulan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, at BARMM dahil sa epekto ng tinatawag na “Southwesterly Windflow.” Asahan din ang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Latest News