Logo
FEATURED

NDRRMC PREPARADO NA SA PAGDATING NI MAWAR

Published May 26, 2023 05:07 PM by: NET25 News | 📷: PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE FB

NDRRMC PREPARADO NA SA PAGDATING NI MAWAR

Preparado at nakalatag na ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagbisita ni super typhoon Mawar.   Ito ang idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ginanap na emergency full council meeting bilang paghahanda sa posibleng epekto na dala sa bansa ni Mawar.   Sa pulong, ipinarating ni Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge (OIC) at NDRRMC Chairman Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhing mabawasan kundi man mapigilan ang panganib na dala ni Mawar at pinalakas na monsoon rain sa mga apektadong lugar sa bansa.   Tiniyak ng mga ahensya ng gobyerno, gayundin ang kanilang mga regional offices, na handa na ang kanilang  mga preparasyon at rekomendasyon para sa posibleng disaster relief operation.   Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang lalakas pa ang Mawar habang tinatahak ang kanluran hilagang-kanluran sa loob ng 12 oras.   Inaasahang papasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga at mananatili hanggang Martes at Miyerkules sa susunod na linggo.   Nangako naman si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum na magbibigay ang kanilang ahensya at PAGASA ng kaukulang impormasyon at datos tungkol sa bagyo.   “DOST and PAGASA will be providing you with the information and the data as soon as we can,” pahayag ni Solidum.   Nagpakalat na rin ng information ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng mga lugar na madalas bahain at  pinaalalahanan ang publiko na maging alerto hindi lamang sa baha kundi maging sa posibleng pagkakaroon ng landslide.   Muling ipinaalala ni Galvez ang kahalagahan ng koordinasyon at komunikasyon ng mga ahensya sa panahon ng kalamidad upang maisakatuparan ng maayos ang mga plano at mabawasan ang pinsala ng bagyo.   “All agencies, especially the OCD, DILG and the AFP should prepare for all the onset of this typhoon, so that we can help as many Filipinos as we can,” pahayag ni Galvez.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News