CHA-CHA, TODAS NA SA SENADO —PADILLA
Published May 26, 2023 05:01 PM by: NET25 News | 📷: SENATE OF THE PHILIPPINES FB
Totally dead na ang panukalang Charter Change sa Senado, ayon kay Senator Robin Padilla. Inamin ni Padilla, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na malabo nang umusad ang isinusulong na amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution. Itinurong dahilan ng senador ang gulo na namuo sa pagitan ng mga lider sa Kamara. Bukod dito, apat lang sa mga miyembro ng PDP-Laban sa Senado ang lumagda sa kaniyang committee report habang ang ibang mambabatas na kasapi ng kaniyang komite ay walang sagot o lagda. Batid ni Padilla na nadaig ang panukalang Charter Change nang matapos na ang implementing rules and regulations ng Public Service Act. Sa ngayon, ito na muna ang kanilang babantayan kung ang batas ay magiging epektibo sa pagtaas ng foreign direct investments at paglago ng ekonomiya. Ang isa pang babantayan ng senador ay ang panukalang Maharlika Investment Fund na sinasabing mag-aangat sa investment sa bansa.
Latest News