34K BILANG NG PULIS AT SUNDALO NAKAHANDA KAY MAWAR
Published May 26, 2023 04:30 PM by: NET25 News | 📷: PGEN BENJAMIN ACORDA JR FB
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na 34,000 mga pulis at sundalo ang naka-antabay sa pagpasok at posibleng pananalasa ni super typhoon Mawar sa Pilipinas. Ayon sa PNP at AFP, nakaalerto ang 22,000 pulis at 12,000 sundalo na bihasa sa disaster response at naka-deploy na ngayon sa mga lugar na inaasahang dadaanan ni Mawar na tatawagin na Betty oras na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang gabi o Sabado ng umaga. Nauna rito, tumulong na ang PNP sa pagsasagawa ng mga pre-emptive evacuation sa mga residente na malapit sa disaster-prone areas. Isang araw bago ang inaasahan na pananalasa ni Mawar, nagpadala na ng food packs ang DSWD sa probinsya ng Batanes. Sa tulong ng Philippine Air Force, inilipad ang nasa 850 family food packs mula Tuguegarao airport sakay ng C130 aircraft. Isa ang Batanes sa mga probinsya sa Northern Luzon na inaasahang dadaanan ng bagyo. Kaugnay nito, inalerto na rin ng AFP ang kanilang search, rescue and retrieval unit sa inaasahan na magiging epekto ng bagyo. Sa datos ng AFP, 12,000 sundalo at CAFGU reservists ang magsisilbing first responder sa pananalasa ng bagyo at nakaabang na ang 3,000 land, air at sea assets kung kinakailangan. Sa panig ng PNP, sinabi ni PNP-PIO Chief Brig. Gen. Red Maranan na naka-preposition na ang kanilang mga kagamitan at tauhan sa mga lugar na dadaanan ni Mawar. Tiniyak ni Maranan na mga highly-trained rescue teams ang idineploy sa mga lugar na dadaanan ng bagyo. Nakatutok ang PNP sa mga danger zones na posibleng makaranas ng pagbaha, landslide, at flash-flood. Nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng pre-emptive at force evacuation.
Latest News