SINITA SA INUMAN MISTER, GINILITAN NI MISIS
Published Feb 08, 2023 05:00 PM by: NET25 News
Sugatan ang isang mister makaraang gilitan ng kaniyang misis na sinita niya sa magdamagang pakikipag-inuman sa Quezon City noong Martes. Nakilala ang sugatang mister na si Bryan Mente Tajanlangit, 34, call center agent, habang arestado naman ang kaniyang misis na si Marivic Marimat Tajanlangit, 35, kapwa residente ng Jordan Plains Subd., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City. Dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng mag-asawa. Nabatid na bago ang krimen ay kauuwi lamang ng biktima mula sa pinagtatrabahuhang call center nang madatnan nito ang misis na nakikipag-inuman pa sa kaniyang mga kabarkada sa loob ng kanilang tahanan. Dahil dito ay nagalit ang mister kaya umalis na rin ang mga kainuman ng kaniyang misis. Nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa at dahil sa napahiya sa kaniyang mga barkada ay galit na kumuha ng gunting ang lasing na misis at nilaslas ang leeg ng mister. Agad namang nagtatakbo palabas ng kanilang bahay ang lalaki at humingi ng saklolo sa kanilang mga opisyal ng barangay at ipinaaresto ang kaniyang asawa.
Latest News