Logo
FEATURED

21 SENTIMO/KWH NA TAPYAS-SINGIL NG MERALCO NGAYONG AGOSTO

Published Aug 08, 2022 03:58 PM by: NET25

21 SENTIMO/KWH NA TAPYAS-SINGIL NG MERALCO NGAYONG AGOSTO

Halos nasa 21 sentimo kada kilowatt hour (kwh) ang maaaring mabawas sa singil sa kuryente ngayong buwan. Sa abiso ng Meralco, nabatid na ang overall rate para sa typical household ay babawasan ng 20.87 sentimo kada kwh. Bunsod nito, ang overall rate ay magiging P9.5458/kwh na lamang ngayong Agosto mula sa P9.7545/kwh noong nakaraang buwan. Ang pagbaba ng singil ay sa gitna na rin ng ipinaiiral na refund ng Meralco, batay sa utos ng Energy Regulatory Commission (ERC). Napag-alaman pa na bukod dito, bumaba rin ang generation charge para sa buwan ng Agosto, na natapyasan ng 19.44 sentimo at naging P6.5812/kWh mula sa dating P6.7756/kWh noong nakalipas na linggo, kasunod na rin ng mas mababang charges mula sa power supply agreements (PSAs). Samantala, ang transmission charges para sa residential customers ay tumaas ng 2.35 sentimo kada kWh habang ang iba pang charges ay nakapagtala ng net decrease na P0.0018 kada kWh. Nabatid na ang bawas singil ay katumbas ng P42 bawas-presyo sa mga kumokonsumo ng 200 kwh; P63 sa konsumong 300 kwh; P83 sa konsumong 400 kwh; at P104 sa konsumong 500 kwh.

Share this article:

Share to Facebook

Share

Copy to clipboard

Copy link

Share to Twitter

Tweet

Latest News