FREE BUS RIDES NG OVP, PALALAWAKIN PA!
Published Aug 04, 2022 05:29 PM by: NET25 |📷 Office of the Press Secretary / Inday Sara Duterte
Mas pinalawak pa ng Office of the Vice President (OVP) ang kanilang ‘Libreng Sakay Program’ na inilunsad kamakalawa. Ayon kay OVP spokesperson Reynold Munsayac, plano nilang magdagdag pa ng mga bus at magbukas ng maraming ruta para sa naturang programa na nag-aalok ng libreng sakay sa publiko. Sa ngayon aniya ay naghahanap na sila ng partners mula sa pribadong sektor para mapalawak ang programa at mas marami pa silang matulungan. “Ang layunin namin talaga, makahanap ng private partners na magpapahiram din ng bus. Sagot naman namin 'yong gasolina, sagot din namin 'yong ng suweldo ng mga driver, kung kailangan, [at] 'yong repair at maintenance,” aniya pa. Isa aniya sa mga target nila na mabigyan ng libreng sakay ay ang ruta mula sa Commonwealth hanggang Fairview sa Quezon City hanggang Quiapo sa Maynila. “Marami kaming natanggap na reports na maraming mga pasahero diyan,” aniya. Matatandaang nitong Miyerkules ay inilunsad na ng OVP, sa pangunguna mismo ni Vice President Sara Duterte, ang kanilang Libreng Sakay program, na may inisyal na limang bus lamang.
Latest News