PANUKALANG TOTAL DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT, SINOPLA NI PBBM
Published May 26, 2023 03:29 PM by: NET25 News | 📷: PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE FB
Tinutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang magpatupad ng total ban sa deployment sa Kuwait bilang reaksyon sa ipinatupad na suspension ng naturang bansa sa visa ng mga bagong Overseas Filipino Workers (OFWs) doon. Ayon sa Pangulo, patuloy na makikipag-usap at makikipag-negosasyon ang gobyerno sa mga opisyal ng Kuwait sa desisyon patungkol sa visa suspension sa mga bagong manggagawang Pinoy. "Ito ang kanilang bansa. 'Yan ang rules nila. So, hahayaan na lang natin na bukas ang isyung iyan at sana ay patuloy tayong makipag-negosasyon sa kanila. We will continue to consult with them at baka sakali, down the road ay magbago ang sitwasyon, maibalik ngayon ang ating mga manggagawa, lalo na 'yung mga nabitin,” ani Marcos kaugnay sa panukala ni Pangasinan 3rd District Rep. Rachel Arenas para sa kabuuang deployment ban ng OFWs sa Kuwait. Sinabi ng Pangulo na nasa 800 OFWs ang nabigong makapasok sa Kuwait dahil sa ipinatupad na visa suspension. Hindi umano nais ng kaniyang administrasyon "magsunog ng anumang tulay," at kapag ang sitwasyon ay bumuti sa hinaharap, ang Pilipinas ay maaaring mag-deploy muli ng mga OFW sa Kuwait.
Latest News